Patay agad ang isang ginang na teller sa AFPSLAI, samantalang nakaligtas naman sa kamatayan ang mister nitong opisyal ng Philippine Army makaraang tambangan at pagbabarilin ang sasakyan ng mga ito ng dalawang armadong kalalakihan na pawang lulan ng motorsiklo, kamakalawa ng hapon sa Taguig City.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Philippine Army General Hospital (PAGH) ang biktimang si Lilibeth Claros 34,nakatira sa Bldg 12-24 Paoville, Fort Bonifacio, Taguig sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan.
Nabatid na ang nasabing ginang ay natadtad ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan. Samantala, milagrong hindi naman tinamaan ng bala sa katawan ang mister nitong si Philippine Army Maj. Isaias Claros, 36.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Bayani Road ng Western Bicutan kung saan lulan ng Toyota Revo (XEN-590) ang mag-asawa.
Pagsapit umano ng mag-asawa sa tapat ng Tantris Fine Dining ay biglang umagapay sa kanang bahagi ng kanilang sasakyan ang isang motorsiklo na kinalulunan ng dalawang lalaki na parehong nakasuot ng crash helmet.
Agad na bumunot umano ng baril ang isang lalaki na nakaangkas sa likuran ng motorsiklo at pinaputukan ang mag-asawa saka tumakas patungo sa direksiyon ng C-5 Road. Samantala, hindi pa mabatid ng pulisya kung sino talaga sa mag-asawang Claros ang target ng mga suspect at kung ano ang motibo ng mga suspect sa nasabing pananambang. (Rose Tamayo-Tesoro)