Kritikal ang kalagayan ngayon ng isang pulis-Maynila matapos na barilin ng kapwa niya parak matapos magtalo nang tangkain ng una na arborin ang kanyang pamangkin na naunang inaresto ng grupo ng huli sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.
Kasalukuyang ginagamot sa Chinese General Hospital sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala ng baril sa mukha at balikat ang biktimang si PO2 Genaro Pangan, nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Police Community Precinct (PCO) Algue ng Station 2 (Tondo) at residente ng 1051 Kagitingan St., Tondo.
Habang itinuro naman ng ilang nakasaksi na si PO2 Merbarjin Alijuddin, nakatalaga sa MPD-PCP Delpan na siyang bumaril sa biktima.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa harapan ng isang bahay sa #1028 Kagitingan St., kanto ng Mabagos St., Tondo.
Sina Alijuddin, PO2 Arnel Tuballi at PO2 Edgar Abenoja ay nagsasagawa umano ng pagpapatrolya habang kasama sa kanilang inaresto na si Nino Pangan, umano’y pamangkin ni PO2 Pangan.
Habang pabalik ang tatlong pulis sa presinto hawak ang kanilang mga inaresto, kabilang si Nino, nang harangin sila ni Pangan na umano’y lasing at inaarbor ang kanyang pamangkin.
Gayunman, pinagsabihan pa umano ni Alijuddin si Pangan na sumunod na lamang sa presinto at dito nagalit ang huli at nagsabing “hindi mo ba ako kilala” sabay bunot ang kanyang baril, gayunman inunahan ito ni Alijuddin at binaril si Pangan. (Grace dela Cruz)