Nangholdap at pumatay ng COED: Habambuhay hatol sa bebot na holdaper
Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang isang babae na kasama ng limang holdaper na nangholdap at pumatay sa isang 22-anyos na babae may limang taon na ang nakalilipas.
Batay sa 13-pahinang desisyon na ipinalabas ni Judge Edwin Ramizo ng Pasay City Regional Trial Court Branch 114, ang akusadong si Erlinda Calasicas, 49, ay napatunayang nagkasala sa kasong robbery with homicide matapos holdapin at mapatay nito ang isang bagong graduate na nursing student na si Arlyn Tumalad noong Marso 25, 2003 sa San Juan St., corner FB Harisson, Pasay City.
Base sa rekord ng korte, si Calasicas ay isa sa limang suspect na humoldap sa biktimang si Tumalad habang ito ay sakay ng isang pampasaherong jeep sa bahagi ng FB Harrison kung saan unang tumanggi at nanlaban ang huli na itinulak naman palabas habang tumatakbo ang jeep na naging sanhi ng kamatayan ng dalaga.
Pinagbabayad din ng korte ang akusado ng halagang aabot sa P241,000 bilang danyos-perwisyos sa mga naulila ng biktima.
Samantala, patuloy pa ring nakalalaya at pinaghahanap ng pulisya ang apat pang akusadong kasamahan ni Calasicas upang panagutin din sa nasabing krimen. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending