Dalawang piloto ang malubhang nasugatan matapos na mag-emergency landing ang sinasakyan nilang Cessna plane sa Diosdado Macapagal Boulevard sa Pasay City ilang minuto lang matapos na mag-take off sa Runway 1331 sa Manila Domestic Airport kahapon ng hapon.
Nakilala ang mga nasugatan na sina Capt. Raymundo dela Cruz at co-pilot nitong si Reynan Fontevilla na ginagamot na sa pinakamalapit na hospital.
Base sa inisyal na report ng Air Transportation Office, dakong alas-3:30 ng hapon nang maganap ang insidente sanhi ng pagbagsak ng nasabing Cessna plane 172 na may body number RPC- 229 na pag-aari ng ATI company.
Kagagaling lamang ng naturang maliit na eroplano sa hangar ng ATI sa Manila Domestic Airport patungong Plaridel, Bulacan nang makaranas ang mga piloto ng engine trouble.
Hindi pa gaanong nakalalayo ang eroplano kaya napilitang mag-emergency landing ang mga ito hanggang sa sumadsad sa isang bakanteng lugar sa dating Monterey at SLR building sa Macapagal Boulevard sanhi upang masira ang naturang eroplano.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang ATO hinggil sa nasabing pagbagsak ng naturang private plane. (Ellen Fernando)