P3-M tangay ng 7 kawatan sa niloobang bodega

Nakapagbuslo ng may P3 milyon halaga ng salapi ang ilang kawatan na nagpakilalang pulis sa isang bodega ng call cards distributor kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Sinasabing nasa pi­tong suspek na pawang naka­suot ng PNP shirts ang pumasok sa loob ng Baesa Industrial Terminal sa Novaliches, Quezon City dakong ala-1 ng ma­daling-araw.

Dito ay dinis-armahan ng mga suspek ang anim na security guards ng na­sabing establisimyento at agad na pumasok habang armado ng M14 at M16 automatic rifles.

Agad umanong inu­tusan ng mga suspek ang 12 empleyado ng kum­panya na humiga sa sahig at saka itinali ang kanilang mga kamay at paa saka tinangay ang naturang halaga na nilimas mula sa vault ng kumpanya.

Tumakas ang mga suspek sakay sa isang  CRV at Isuzu Trooper na pawang hindi naplakahan patungong Balintawak. Tinangay din ng mga sus­pek ang apat na shotguns at dalawang kalibre 38 ng mga guwardiya bago nagsitakas.

Patuloy namang ini­imbestigahan ng pulisya ang anggulong inside job ang insidente dahil sa alam na alam ng mga suspek ang kinalalagyan ng vault ng kumpanya.  (Angie dela Cruz)

Show comments