May 27 estudyante sa high school ng Jose Rizal University sa Mandaluyong City ang nalason sa lasagna na kabilang sa inihanda sa Seniors’ Prom ng naturang paaralan kamakalawa ng gabi.
Agad na isinugod sa magkakahiwalay na pagamutan matapos makaramdam ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagsusuka ang mga biktima.
Kabilang sa nalason sina Christiano Castillo, Jamaica Espina, Ralph Lauren Go, Ramon Gacad, Rosemarian Dizon, Ron Arthuer Moreno at Jaime Pacheco, Rodolfo Barbon, Timothy Garcia, 18, at Jomari Bagonsay na pinalabas din kinalaunan sa Mandaluyong City Medical Center at St. Martin De Porres matapos na matiyak na ligtas na sa kapahamakan.
Patuloy pa ring inoobserbahan ang iba pang biktima na sina Joefel Olira, Beatrice Sebastian, Ralp Lopez, Jayme Valencia, Francis Cayabyab, Igmidio Mangahas, Alejandro Dioses, Githel Tuliao na dinala sa Lourdes Hospital habang sina Berno Perillo, Lady Dianne Remolano, Rommel John Maglalang, Diane Marie Martin, John Paul Rasapa,Denver Galdones, Angeline Galdones, Chessa Marie Pineda, at Jenelyn Beatillo 17 ay nasa San Juan Medical Center.
Isinugod din sa pagamutan si Nilo Barcelona, head teacher ng Business Technology at PEHM at si Avelino Caraan Jr. na nakatalaga naman sa props and sound.
Batay sa ulat, dakong alas-11:40 ng gabi nang maganap ang insidente ilang minuto matapos simulan ang Seniors’ Prom Night ng 400 estudyante ng fourth year high school ng JRU na matatagpuan sa Fabella St., Shaw Blvd sa naturang lungsod.
Ayon kay Ramon Navarro, high school principal ng nasabing paaralan, nagsimula nang kumain ang mga bata mula sa limang klase ng pagkain na inihanda ng kinuhang catering service na sadyang hindi muna pinangalanan.
Ilang sandali ang nakalipas ay nagsimula nang magsuka, manakit ang tiyan at mahilo ang mga biktima dahilan upang isugod ang mga ito sa ospital.
Sa ginawang imbestigasyon ay pare-parehong kumain ng lasagna ang mga nabiktima kaya ito ang pinaniniwalaang dahilan ng food poisoning.
Sinabi pa ni Navarro na sa kasalukuyan ay pinag-aaralan na ng kanilang abogado ang mga kasong isasampa nila laban sa catering service habang siniguro naman ng pamunuan nito na makikihati sila sa mga magulang ng bata para sa gastusin ng mga nabiktimang estudyante.