Natusta at namatay ang isang 54-anyos na negosyante, habang nasa kritikal namang kondisyon ang kanyang misis nang masunog kasama ng kanilang sasakyan makaraang madamay nang sumabog ang isang oil tanker sa Sampaloc, Maynila kamakalawa ng gabi.
Halos hindi na makilala sanhi ng matinding pagkasunog ang biktimang si Melencio Aquino, habang dumanas naman ng 2nd degree burns ang kanyang asawang si Jemma, 54, negosyante, kapwa residente ng #35 Luna St., La Loma, Quezon City. Ang huli ay kasalukuyan pang inoobserbahan sa UST Hospital.
Habang patuloy naman na pinaghahanap ng pulisya si Leonardo Benamir, tinatayang nasa 35-40 anyos, driver ng fuel tanker na may plakang PXT-482 na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa imbestigasyon ni Det. Rommel del Rosario ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang pagsabog sa paanan ng Nagtahan flyover malapit sa G. Tuazon St., Sampaloc, Manila.
Nabatid na galing ang fuel tanker sa oil depot sa Pandacan matapos na magkarga ng 14,000 litro ng diesel at 2,000 litro ng gasolina para i-distribute ito sa iba’t ibang gas stations.
Habang binabagtas ni Benamir ang naturang lugar ay hindi maipaliwanag na may tumagas umano sa laman ng oil tanker mula sa steel pipe valve na nagresulta sa pagsabog nito.
Nagkataon namang nasa kanang bahagi ng oil tanker ang sasakyan ng mag-asawang Aquino na isang Toyota Altis na may plakang XKS-309 na inabot ng pagsabog at nag-apoy.
Si Melencio na siyang nagmamaneho ang lubhang naabot ng apoy na naging sanhi ng pagkatusta nito. Masuwerte namang nakababa ng kotse ang asawa nito, gayunman nagtamo pa rin ito ng second degree burns.
Nadamay din sa pagsabog ang minamanehong taxi ni Roque Baruela na may plakang TWL 636, na kasunod lamang ng kotse ng biktima. Kabilang din sa mga nadamay na sasakyan ay isang Honda Civic (UJH 252); Mitsubishi Box-Type (PKX 356); Mitsubishi Lancer (UBB 491); Nissan Sentra (TBR 587); Tamaraw Pick-Up (DGZ 488); Truck Forwarder (CTW 582); AUV (UHW 559; at Scooter (No. ZL-9530) na pawang nakaparada malapit sa naturang lugar.
Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property laban sa suspek.