8 miyembro ng ‘Paihi Gang’ timbog
Walong crew kabilang ang ship captain ng isang barko ang inaresto ng mga kagawad ng Philippine Coast Guard (PCG) sa aktong nagpapaihi ng krudo mula sa isang motor tanker, kamakalawa ng gabi sa Manila North Harbor.
Kinilala ang mga nasakote na sina Apolinario Gonzalez, ship captain; Ramon Fontanilla, chief engineer; Anthony Sendin; Rogelio Eperito; Taskrin Dumalak, pawang mga crew ng Malayan Tug Iloilo; Rodrigo Bacani, Floresco Abun at Wodrofe Lacquin, mga crew ng MT JV.
Nabatid kay Lt.Senior Grade Armand Balilo, nakatanggap umano ng report ang PCG kaugnay sa ilegal na gawain ng grupo.
Ayon sa mga ulat at talamak ang pagkawala ng mga cargo at mga langis sa mga vessel na nakadaong sa Manila Bay.
Namataan naman ng mga tauhan ng PCG dakong alas-10:30 ng gabi ang Tugboat Iloilo, pagmamay-ari ng Malayan Towage Inc. at ang M/T JV Enterprises na pag-aari naman ng JV Enterprises.
May dala umano itong 16 na toneladang diesel fuel ang tugboat Iloilo na isinasalin sa JV Enterprises sa may barge pool ng Baseco Compund.
Kasalukuyang nasa kustodya ng PCG na nasa Pier 13, South Harbor ang mga naarestong crew.
Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Anti-fencing Law ang mga crew ng JV enterprises. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending