Minsan pang napatunayan ang panganib na dulot ng motorsiklo matapos na isang Tsinay ang agad na nasawi habang malubhang nasugatan naman ang kasama nitong lalaki nang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang dump truck kahapon ng umaga sa Quezon City.
Sa inisyal na ulat, nasawi ang biktima na si Rosemarie Hu na residente ng Bgy. Payatas, ng naturang lungsod. Isinugod naman sa National Orthopedic Hospital ang kasamahan nitong si Samuel Magallanes.
Nabatid sa Quezon City Traffic Sector 5, naganap ang aksidente dakong alas-11:30 ng umaga. Binabagtas ng dalawa sakay ng motorsiklong may plakang DA-3521 ang kahabaan ng Quezon Avenue nang pagsapit sa panulukan ng Araneta Avenue ay mahagip ng kasabay na dump truck.
Naisalaysay pa umano ni Magallanes na gumewang siya sa pagmamaneho hanggang sa tuluyang mawalan ng kontrol at pumailalim ang motorsiklo sa trak. Dito tuluyang naipit ang mga biktima lalo na si Hu. Agad namang isinugod ang mga biktima sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay si Hu dahil sa tindi ng pinsalang natamo.
Pinaghananap naman ngayon ng pulisya ang hindi pa nakikilalang truck driver na mabilis na tumakas matapos ang insidente. (Danilo Garcia)