Pulis humabol sa snatcher inatake sa puso
Kritikal ang kondisyon ng isang 41 -anyos na pulis Maynila matapos itong atakihin sa puso habang inaaresto ang isang umano’y snatcher na tumatakas kahapon ng hapon sa Binondo, Maynila.
Sinasabing nasa comatose stage habang nilalapatan ng lunas sa Metropolitan Hospital ang biktimang si PO3 Reynaldo Cuna ng Anti-Crime Unit ng Manila Police District (MPD) Station 11 (Binondo).
Sa inisyal na report, dakong alas-12:15 ng hapon nang makatanggap ng tawag buhat sa hindi nagpakilalang complainant
Kaagad umanong nirespondehan ng grupo ni Cuna ang naturang tawag at nang makarating sila sa nabanggit na lugar ay inginuso ng complainant ang mga suspek.
Nasa aktong kinokompronta ni Cuna ang mga hindi nakilalang suspek ngunit nagkaroon ng komosyon at tinangkang tumakas ng suspek kaya nagkaroon ng habulan ngunit ilang minuto lang ang nakaraan ay nanikip umano ang dibdib ni Cuna kaya’t agad itong isinugod sa nabanggit na ospital.
Naaresto naman ang isa sa mga suspek na kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending