Ebidensiya ang iprisinta, wag puro ‘satsat’ – PNP
Pinalagan kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang patuloy na pagkuwestiyon ng mga kritiko, panghuli dito ay ang isang dayuhang security expert sa resulta ng imbestigasyon hinggil sa madugong pagsabog sa Glorietta 2 mall sa Makati City na kumitil ng buhay ng 11 katao habang 108 pa ang nasugatan noong nakalipas na taon.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Geary Barias, hindi na nagtataka ang PNP sa ipinalabas na komento ng dayuhang security expert at ng iba pang mga kritiko.
Patuloy ring naninindigan ang PNP, ayon pa sa opisyal sa pinal nilang report na aksidenteng gas explosion at hindi bomba ang sumabog sa nasabing mall.
Sinabi ni Barias na normal na talaga ang mga “skeptics” o mga taong kahit ano pang paliwanag at iprisintang pruweba ay hindi naniniwala at pinagdududahan ang resulta ng imbestigasyon.
Ginawa ni Barias ang pahayag bilang reaksyon naman sa sinabi ni International Crisis Group Consultant Kit Collier na iginiit na kailangan linawing mabuti ng PNP ang resulta ng imbestigasyon nito matapos na isantabi umano ang pagkakatagpo sa RDX, isang uri ng sangkap ng bomba sa ipinalabas ng mga awtoridad na pinal na report.
Ikinatwiran pa ni Barias na inasahan na ng PNP ang naturang teorya ng foreign security experts dahil Ayala Land Incorporated (ALI) ang kumontrata sa mga ito kaya’t malabong salungatin nito ang naunang teorya ng kompanya.
Duda rin si Barias sa mga ebidensyang nakalap ng mga foreign experts dahil bago sila pumasok sa site ay galing na doon ang mga lokal na imbestigador mula sa binuong Multi Agency Investigating Task Force (MAITF).
Nagtataka rin umano ang opisyal dahil noong una, negatibo ang mga dayuhang security experts na sangkap ng bomba ang sumabog pero bigla itong nagbago makalipas ang dalawang araw.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal ay hinihintay na lamang ng PNP ang rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ) para sa karagdagang mga indibidwal na posible pang masampahan ng kasong administratibo at kriminal kaugnay ng Glorietta blast na yumanig sa Makati City noong Oktubre 19, 2007. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending