3 holdaper nalambat
Tatlong umano’y holdaper ang minalas na masakote ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau sa magkahiwalay na insidente sa Ermita, Maynila.
Ang mga suspek ay kinilala ni Ret. Col. Franklin Gacutan, Technical Adviser at hepe ng MTPB ng Manila City Hall, na sina Jesus Madriaga, Manuel Padron at Ryan Mesias, miyembro ng Sigue Sigue Sputnik at pawang residente ng 107 Estrella St. F.B Harisson, Pasay City.
Sinabi ni Gacutan na ang pagkakaaresto sa mga suspek ay bunsod sa reklamo ni Roberto dela Cruz, driver ng NICKMAR taxi.
Sa salaysay ni Dela Cruz, sumakay sa kanya ang mga suspek dakong alas-8:45 ng gabi sa panulukan ng Ocampo at Roxas Blvd. sa Malate at nagpahatid sa Quiapo subalit hindi pa man sila nakakalayo nang magdeklara sila ng holdap at kinuha ang kanyang kita na P730.00.
Napansin naman ng mga Traffic Enforcers na sina Alexander Nacion, Francisco Fetalino at Cesar Villareal ang komosyon sa loob ng taxi at sa kabila ng kawalan ng armas ang mga ito ay nagawang madakip ang mga suspek at dinala sa MPD-Station 9 (Malate).
Dakong 1:35 naman ng hapon nang madakip nina Fetalino, Nacion at Asis si Mesias matapos na humingi ng tulong ang biktimang si Fernandina Jordan na hinoldap at kinuhanan ng N70 na cellphone sa kanto ng Taft Ave. at Vito Cruz. Sina Madriaga, Padron at Mesias ay sasampahan ng kasong robbery- holdup. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending