Tatlong umano’y mga miyembro ng payroll gang ang pinagbabaril hanggang sa mapatay matapos na makaengkuwentro ng mga ito ang mga operatiba ng Manila Police District (MPD) kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Ang mga suspek ay nakilala lamang sa mga alyas na “Jaypee”, ang lider na tinawag na “Kingpin gang”; “Dodong” at “Jonjon”, may edad sa pagitan ng 20-30-anyos, nakasuot ng khaki shorts, fatigue jacket at stripe na t-shirt.
Batay sa isinagawang inisyal na imbestigasyon ng pulisya, isa ang dead-on-the-spot, habang dead-on-arrival naman sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang dalawang kasamahan nito. Nakatakas naman ang isa pang kasabwat sakay ng isang Honda XRM na walang plaka.
Batay sa report ni Supt. Jose Espino, hepe ng MPD-Station 2 (Moriones), dakong alas-11:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa kanto ng Moriones at Road 10, Tondo.
Una na umanong nakatanggap ng impormasyon si Espino hinggil sa magaganap na payroll robbery kaya agad na nagsagawa ito ng dragnet operations sa naturang lugar.
Sakay umano ang mga suspect sa dalawang motorsiklo, na kapwa walang plaka patungo sa direksiyon ng Binondo kung saan doon hinihinalang isasagawa ang robbery holdap nang sitahin sila ng pulisya.
Ngunit sa halip na huminto ay naglabas umano ng baril ang mga ito dahilan upang nagkaroon ng palitan ng putok sa dalawang panig na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo sa mga suspect.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang isang kalibre 45, dalawang kalibre 38, fan knife at asul na Honda Wave.
Sinabi ni Espino na ang mga suspek ay kabilang umano sa grupo ng robbery holdap gang na una nang kumana sa isang shipping lines.