Arestado ang isang lalaki habang nakatakas ang isa pang kasamahan nito na hinihinalang mga miyembro ng isang sindikato na namimirata ng pelikula matapos na mahuli sa akto na kumukuha ng video sa isang sinehan kamakalawa ng gabi sa Quezon City. Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 8213 o intellectual property code ni Ina Alegre, executive producer ng pelikulang “Banal” laban sa suspek na si Levie Bacolo.
Nabatid sa ulat na pumasok sa isang sinehan sa Cubao, Quezon City ang dalawang suspek kamakalawa ng gabi at nagpanggap na mga ordinaryong manonood ng sine. Napansin naman ng empleyado ng sinehan na si Joel Cuara na kinukunan ni Bacolo ng video ang palabas kaya agad na inaresto ito katulong ang kanilang security guard.
Nakumpiska kay Bacolo ang gamit nitong MP4 Digital Video Camera na gamit nito sa pagkuha sa pelikula. Nabatid na nasa 20 minuto na ang nakuha ng suspek sa parte ng pelikula.
“This is the first time yata na may mahuli nito, sa akin pa nangyari na first time na producer. Almost done na at ang linaw-linaw ng pagkakuha, konti na lang matatapos na ang movie at madali na lang i-copy”, ayon kay Alegre.
Itinanggi naman ni Bacolo ang akusasyon at sinabing pansariling gamit lamang niya ang kinuha niyang video. Hindi naman umano niya alam na bawal iyon at wala rin naming kumapkap sa kanya nang pumasok sa sinehan. (Danilo Garcia)