2 niratrat, sugatan sa holdap

Sugatan ang dalawang empleyado ng isang money changer matapos pagba­barilin ng anim na armadong holda­per na humarang at tu­mangay sa dala-dala nilang pera kama­kalawa sa Ermita Maynila.

Kasalukuyang nilala­patan ng lunas sa Manila Doctor’s Hospital ang mga bik­timang sina Gulam Hamja, 52,  at Mur­phy Aci­din, 24, kapwa emple­yado ng King F Money Changer na matatagpuan sa 1166 A. Mabini St., Ermita sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Patuloy namang tinutugis  ng mga awtoridad ang anim na suspek na pawang naka­sakay sa tatlong motorsiklo, isang kulay blue na XRM; isang kulay pula at itim na Ka­wasaki XR at isang Honda Super 4 Series, na pawang walang plate number.

Ayon sa  report , dakong 5:25 ng hapon nang naga­nap ang panghoholdap sa kanto ng A. Mabini at A. Flores Sts., sa Ermita.

Ayon sa salaysay ni Yasser Surain, galing sa pagwi-withdraw ang mga biktima sa Banco De Oro sa U.N. Ave. branch at habang naglalakad pabalik sa kani­lang tanggapan nang hara­ngin sila ng mga suspek.

Pilit umanong kinukuha ng mga suspek ang hawak na bag ng mga biktima su­balit tu­manggi ang mga ito dahilan upang barilin sila saka tina­ngay ang bag na naglalaman ng di pa mabatid na halaga ng cash. (Gemma Amargo Garcia)

Show comments