Malagim na Bagong Taon ang sumalubong sa mag-iinang nasa kritikal na kondisyon sa kasalukuyan makaraang masunog ang kanilang tahanan at nadamay din ang iba pang kabahayan sa Barangay Sta. Cruz, Makati City kamakalawa.
Ang mga biktimang nasa intensive care unit dahil sa 3rd degree burn sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ay sina Caroline Manti, mga anak nitong sina Angelica, isang buwang gulang at Angela, 3.
Sinasabing nagsimulang kumalat ang apoy sa tahanan ng mga biktima nang matabig ang nakasinding kandila hanggang sa tuluyang nasunog ang buong bahay at madamay ang siyam na kabahayan.
Nabatid na tumagal ng isang oras ang nasabing sunog bago pa maapula ang apoy habang patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad.