Rambulan: 18-preso sugatan
Aabot sa 18-preso ang iniulat na nasugatan makaraang magrambulan ang mga ito sa loob ng Caloocan City Jail sa pagsalubong sa Bagong Taon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga sugatang ginamot sa Caloocan City Jail infirmary na sina Elizalde Bolivia, Macario Cabangot, Joey Tan, Ace del Rosario, Ryan Fernandez, Arnel Manuel, Alex San Andres at si Dennis Flores na may mga tama sa ulo at katawan.
Samantala, sa Tondo Medical Center naman ay sina Ronaldo Robles, Eduardo Balayan, Arnel Dumundon, Boyet Duran Ortencio, Ryan Silva, John Paul Baello, habang sa President Diosdado Macapagal Medical Center (PDMMC) naman sina Joven Guevarra, Francis Metal, Ferdinand Zulueta at si Arnel Punden na may malalalim na tama ng matitigas na bagay sa ulo at katawan.
Ayon kay Supt. Michael Verdamo Jr. jail warden, naitala ang riot dakong alauna ng madaling-araw kahapon kung saan nagsagupa ang magkalabang gang na Sputnik at Commando.
Hindi naman maipaliwanag ng mga guwardiya kung papaano nakalusot ang mga improvised weapons tulad ng pinatulis na kutsara, tinidor, sinsel, at screwdriver na ginamit sa rambulan na tumagal ng may 15-minuto.
Kasalukuyang iniimbestigahan pa ng Caloocan city Jail ang sanhi ng naturang riot subalit ayon sa isang inmate na nagsimula ang kaguluhan matapos na magbiro ng masama ang isa sa mga preso dahil sa walang dumadalaw na pamilya at kamag-anak.
Aminado naman si Supt. Verdamo na madalas na maganap ang riot kaya’t madalas nilang kinukumpiska ang mga matatalas na gamit ng mga preso subalit patuloy pa rin silang nalulusutan. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending