Umaga pa lamang kahapon ay pinasimulan ang pagseselyo ng mga baril ng mga miyembro ng Manila Police District upang tiyakin na hindi nila ito ginamit sa pagsalubong ng Bagong Taon kaninang madaling-araw o paghihiwalay ng taon.
Hindi pa rin nanaig ang naging pagtutol ng Manila’s Finest Brotherhood Association, Inc. bunga ng direktiba ng Philippine National Police sa Camp Crame.
Ang pagselyo sa muzzle ng mga baril ay ginawa kahapon kasunod nang tradisyunal na flag-raising ceremony sa MPD headquarters sa UN Avenue, Ermita, Maynila tuwing araw ng Lunes.
Pinangunahan ito ni MPD Officer-In-Charge Senior Supt. Leo Kison sa MPD quadrangle.
Matatandaang nauna rito, mariing tinutulan ng MFBAI ang pagseselyo ng kanilang mga baril.
Lumilitaw kasi anila na dahil ginagawa itong mandatory ng pamunuan ng Philippine National Police ay “trigger happy” ang mga pulis.
Nagiging delikado rin aniya ito para sa kanila lalo na’t kung bigla silang naharap sa isang emergency situation.
Inihalimbawa din ng MFBAI ang naganap sa isang pulis-Bicutan na napatay ng isang holdaper matapos na magkaharap sila nito dahil hindi pumutok ang baril ng pulis dahil sa masking tape na nakabalot sa nguso nito.
Iginigiit naman ng pamunuan ng PNP na ito’y preventive measure lamang upang matiyak na walang pulis na aabuso sa kanilang tungkulin at upang maiwasan na rin ang tinatamaan ng mga stray bullet sa pagsalubong ng Bagong Taon. (Ludy Bermudo at Grace dela Cruz)