Inireklamo kahapon sa Quezon City Police District ng isang 49-anyos na lalaki at isang 14-anyos na binatilyo ang isang alkalde ng Lanao del Sur dahil sa pambubugbog nito sa kanila sa isang insidente sa trapiko kamakalawa sa naturang lungsod.
Nakilala ang inireklamo na si Mayor Amenodin Sumagayan, residente ng #64 4th street, Marawi City habang nadakip naman ang driver nito na si Alimonan Usodan, 46, may-asawa at residente ng Poblacion East Lagawe, Ifugao Province.
Itinago sa alyas na Robin ang binatilyong biktima. Kinilala ang isa pa na si Gonzalo Mendoza ng San Rafael, Bulacan at driver ng JMA bus lines.
Sa ulat ng QCPD-Station 10, naganap ang insidente dakong ala-1:30 kamakalawa ng hapon sa EDSA North bound sa may Brgy. Pinagkaisahan. Nabatid na nasanggi umano ng minamanehong bus ni Mendoza ang Honda Civic (ZBW-417) na sakay ang alkalde.
Dito bumaba si Usodan at nakipagtalo kay Mendoza hanggang sa humantong sa panununtok umano ng una. Umawat ang binatilyo ngunit bumaba rin umano si Mayor Sumagayan at ang binatilyo naman ang pinagsusuntok. Iginiit pa ni Mendoza na sinakal rin umano siya ng mga suspek.
Itinanggi ni Sumagayan ang mga akusasyon laban sa kanya at sinabing natabig lamang umano niya ang binatilyo at hindi binugbog. (Danilo Garcia)