Iniwan ng misis, mister nagbigti

Tuluyan nang gumuho ang pangarap na mabuo ang isang pamilya nang  wakasan   ng isang 25- anyos na pedicab driver ang kanyang buhay sa pamamagitan ng  pagbigti  sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng umaga.

Hinihinalang may ilang oras nang patay  si Mateo Juego, ng 1478 Fugoso St., Sta Cruz, Manila nang matagpuan ito.

Ayon sa ulat, dakong alas-11:00 ng umaga nang madiskubre ni Jennifer Tan, live-in partner ng nasawi  ang  bangkay ng huli  sa 2nd floor ng kanilang bahay sa‑ Fugoso St., Sta  Cruz. Nakabitin ito sa kisame gamit ang isang itim na cable wire.

Huling nakitang buhay ang biktima ng kanilang mga kapitbahay dakong alas-10:00 ng gabi na mag-isa sa loob ng kanilang bahay.

Ayon kay Jennifer, bago ang pagpapakamatay ni Mateo  ay  nagkasundo silang magkikita sa bahay ng kanyang biyenan sa Caloocan City  noong bisperas ng Pasko upang pag-usapan ang problema sa kanilang relasyon at upang doon na rin ipagdiwang ang Noche Buena, gayunman  hindi sumipot ang  biktima kaya umuwi si Jennifer kahapon ng umaga subalit tumambad sa kanya ang asawang nagpakamatay.

Nakuha sa katawan ng biktima ang isang suicide note na naka­saad na “Bhe, alam kong hirap na hirap ka na sa pagsasama natin ng mga bata kaya  pinipilit mong umalis dito. Bhe, mahal na mahal kita kahit na ganyan ka.  Bhe, hindi ko na kaya, di ba sabi ko sa iyo huwag mo akong iwan pero mapilit ka. Mahal na mahal kita higit pa sa buhay ko”. Nakasaad pa sa suicide note ang habilin na ala­gaan nito ang kanilang  anak. (Doris Franche)

Show comments