Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 16-anyos na binatilyo ng isang barangay kagawad sa hindi malaman na kadahilanan habang naglalakad ang grupo ng una sa Sta. Ana, Maynila.
Binawian ng buhay bago pa man idating sa Ospital ng Makati ang biktimang nakilalang si Rafael Joseph Nino Es guerra, high school student, ng 2034 Zamora Ext. Sta. Ana, Maynila dahil sa tinamong tama ng bala sa kanang bahagi ng kanyang ulo.
Kinilala naman ang suspect na si Percival Gomez Sr., alyas “Percy”, 51, may-asawa, Kagawad ng Brgy. 733 Zone 85, District 5 ng Sta. Ana, Maynila.
Dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang naturang pamamaril sa grupo ng biktima habang sila ay naglalakad sa panulukan ng Liwayway at Zamora Sts., Sta. Ana, Maynila nang biglang sumulpot ang suspect kasama ang hindi nakikilalang lalaki sabay bunot sa dalang baril at pinaputukan ang grupo ng nasawi.
Napuruhan naman ang biktima na naging sanhi ng kamatayan nito. Mabilis na tumakas ang suspect matapos ang isinagawang krimen. (Grace dela Cruz)