May 200 mga paslit na nangangaroling ang pinagdadampot ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa iba’t ibang lugar sa lungsod simula nitong bisperas ng Pasko. Ngunit sa halip na parusahan, bi nigyan lamang pala ng pamasko ng pamunuan ng QCPD ang naturang mga bata nang dalhin ang mga ito sa himpilan ng pulisya sa Camp Karingal sa Sikatuna Village, ng naturang lungsod.
Sinabi ni QCPD Director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula, na ang pagdampot sa mga batang nangangaroling sa mga kalsada lalo na ang mga sumasampa sa mga pampublikong sasakyan ay kanilang paraan upang mailayo ang mga ito sa kapahamakan at kanila ring paraan para mabigyan ng aginaldo ang mga ito.
Pagdating sa Camp Karingal, pinakain at binigyan ang mga bata ng mga regalong laruan hanggang sa mga damit upang masayang maiuwi sa kanilang mga tahanan sa halip na pagkakitaan ang panahon ng Pasko.
Maayos namang pinauwi ng pulisya ang mga bata matapos ang pagbibigay ng aginaldo. Pinaalalahanan naman ni Gatdula ang mga magulang ng mga bata na maging responsable at alagaan ang kanilang mga anak dahil sa lubhang mapanganib ang pangangaroling sa mga sasakyan sa kalsada na maaaring magdulot ng trahedya sa halip na kasiyahan. (Danilo Garcia)