Isang binatilyo ang natagpuang bangkay makaraang magbigti sa isang punongkahoy sa gilid ng terminal ng jeep sa lungsod ng Quezon City. Nakilala ng mga awtoridad ang nasawi na si Manuel Reyes, 16, at residente ng Pritil, Tondo, Maynila. Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nadiskubre ang bangkay ng biktima dakong alas-5 ng umaga sa paradahan ng dyip sa dating Pantranco terminal na matatagpuan sa Quezon Ave. sa nasabing siyudad. Nabatid na nakita ng mga tsuper ng jeep na pipila sa terminal ang bangkay ng biktima na nakabitin sa puno kung saan nakapulupot ang isang tali sa kanyang leeg. Masusi pa ring sinisiyasat ng mga awtoridad kung ano ang nagtulak sa biktima para kitlin niya ang kanyang buhay habang hindi naman isinasaisantabi ang posibilidad na may foul play sa insidente. Base sa pag-aaral, pinakamaraming naitatalang insidente ng pagpapakamatay ang Philippine National Police sa buwan ng Disyembre dahil sa depresyon dulot ng kahirapan at pangungulila sa mahal sa buhay. (Danilo Garcia)