Pinaghahanap ng pulisya ang isang sundalo na nagtakas ng isang preso na responsable sa serye ng panghoholdap sa Maynila kasama ang isang pulis sa Metro Manila.
Si Sgt. Juanito Boton ng 17th Infantry Division sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija ay isa sa mga wanted kasama ang presong itinakas na si Pedro Rodica, 24, alias Bradd Galea na nahaharap sa kasong Robbery with homicide and serious physical injury at ikinulong sa dorm 2 ng Manila City Jail.
Nabatid na si Boton ay isa sa mga humarang sa sinasakyan ni Rodica kasama ang kanyang escort na si JO2 Salvador Tan sa kanto ng Pedro Gil at Agoncillo Streets, sa Manila, papuntang Makati City para sumipot sa court hearing sa RTC branch 142. Isa pa sa wanted ay si PO2 Guimson Dulang Wata mama.
Nabatid na agad na tinutukan ng baril ni Boton si JO2 Tan at sapilitang kinuha si Rodica sa kanyang kustodiya.
Si Rodica ang lider ng “Rodica group” na responsable sa serye ng nakawan sa Metro Manila na bumibiktima ng money changer shops.
Isa sa mga biktima ng grupo ay ang Bamboo City Money changer kung saan pinatay din ang mga empleyado nito na sina John Galicia at Razon Santillan.
Napag-alaman na sila Santillan at Galicia ay nag-withdraw ng P5 million sa isang bangko at pabalik na sa money changer na matatagpuan sa Cubao nang sila ay tambangan ng grupo ni Rodica at natangay ang pera. (Doris Franche)