Labing-apat na saksak ang tinamo ng isang 20-anyos na sidecar boy matapos na makipagtalo sa kanyang kainumang ex-convict kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila. Nakilala ang biktima na si Arthur Garcia, ng Rm. 112 Bldg. C. Sambahayan, Moriones, Tondo, Maynila na binawian ng buhay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Hospital. Nakilala naman ang suspect na si Benjamin Calibo Jr., alias Dimples, 22, walang trabaho, ng Rm. 102 Bldg. C, Sambahayan Moriones, Tondo, Maynila.
Naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling araw sa ground floor ng Bldg. C, Sambahayan, Moriones, Tondo, Maynila. Nauna dito, nag-iinuman umano ang suspect at ang biktima kasama ang hindi nakilalang kaibigan sa isang karaoke bar malapit sa kanilang tinutuluyang bahay. Matapos makaubos ng ilang bote ng alak ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga ito subalit naawat naman. Ilang oras lamang ang lumipas ay nagkita na naman ang suspect at ang biktima sa karinderya malapit sa kanilang tinitirhang bahay at nagkaroon muli ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawang nabanggit at doon tinadtad ng saksak ng suspect ang biktima.
Mabilis na tumakas ang salarin matapos ang insidente. (Grace dela Cruz)