Ace Vergel, patay na!
Sumakabilang buhay na sa edad na 55-anyos ang original bad boy ng Philippine showbiz na si Ace Vergel dahil sa atake sa puso sa Chinese General Hospital.
Dakong alas-3:18 ng madaling-araw kahapon nang malagutan ng hininga si Vergel matapos isugod sa naturang ospital kamakalawa ng gabi.
Nabatid na bago namatay ang aktor ay nakausap pa nito ang kanyang nag-iisang kapatid na si Beverly.
Si Vergel ay sumikat noong dekada 80 sa mga action movie na kanyang pinagbidahan kabilang na ang “Pieta”.
Nasangkot din ito sa kaso ng mga ipinagbabawal na gamot nang mahinto sa paggawa ng pelikula. Ang kanyang titulo bilang bad boy ay ipinasa niya sa aktor na si Robin Padilla.
Base sa police records, ang aktor ay iniugnay sa isang kasong rape noong taong 2000 at pansamantalang ipinailalim sa control ng pulisya. Subalit hindi nagtagal ay pinalaya rin matapos mapag-alaman na ang demanda laban sa kanya ay pinawalang-saysay.
Lumitaw rin sa kanyang police record na siya ay nasangkot rin sa kaso na paggamit ng bawal na droga na sa proseso ng nasabing usapin, sa bandang huli siya ay pinawalansala. Si Ace ay produkto ng isang pamilya ng mga artista, at ipinanganak noong Enero 22, 1952. Anak siya ng kapwa yumaong sina actress Alicia Vergel at actor Cesar Ramirez.
Nagsimulang umarte sa pinilakang tabing si Ace sa edad na pitong taong gulang. Nagampanan na niya ang isang mahalagang papel sa pelikulang ”Anak ng Bulkan,” noong 1959 bilang kaibigan ng isang higanteng ibon, kasama ni yumaong action king actor Fernando Poe, Jr.
- Latest
- Trending