Agaw-buhay sa pagamutan ang isang mister nang mapagkatuwaan itong saksakin ng isang tambay habang ang una ay naglalakad sa isang madilim na lugar, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City. Nasa kritikal na kondisyon ngayon sa intensive care unit ng San Juan de Dios Hospital sanhi ng mga saksak sa tiyan, kaliwang dibdib at iba pang parte ng katawan ang biktimang Tata Sandoval, residente ng Olivarez Compound, Parañaque City. Batay sa ulat, dakong alas-12:50 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa Don Carlos Village, Pasay City. Nabatid na naglalakad ang biktima sa bahagi ng Don Carlos Village nang madaanan ang isang grupo ng mga lalaki na nag-iinuman sa naturang lugar. Isang lalaki umano ang sumunod sa biktima na armado ng patalim at pagsapit sa madilim na lugar, inundayan ang huli ng sunod-sunod na saksak hanggang sa duguan itong humandusay. Ang biktima ay agaw-buhay namang natagpuan ng Brgy. Tanod na si Marlon dela Cruz at agad niyang dinala ito sa nabanggit na pagamutan. (Rose Tamayo-Tesoro at Angie dela Cruz)