Nakumpiska ng mga elemento ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 155 piraso ng complete sets na ginagamit umano sa cyber pornography mula sa isang computer firm sa isinagawang raid nito sa Pasig City.
Tinukoy ni NBI Director Nestor M. Mantaring ang establisyimento na American Chat Link, Inc. na may tanggapan sa 12/F, Tycoon Center, Pearl Drive, Ortigas Center, Pasig City.
Nabatid na sinalakay ang nabanggit na kompanya bunsod ng reklamo ni Paolo Ferrer ng Sampaloc, Manila, laban kina Shirley Balingit, Amelita A. Revilla, Donato Enrique Fajutrao, Juliet P. Gabriel at Joy Milagros S. Malingat, pawang mga empleyado ng American Chat Link Inc.
Nabatid pa na ang naturang kompanya ay sangkot umano sa pagbebenta at paggawa ng pornographic Internet website .
Nagpapanggap pa umano ang kompanyang nabanggit bilang call center company ngunit ang katotohanan ay pawang mga hubad at immoral na pornographic materials ang ginagawa dito na ibinebenta sa mga dayuhang kliyente.
Sinalakay ang nasabing kompanya sa bisa na rin ng search warrant na inisyu ni Judge Rodolfo R. Bonifacio ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159.
Nakuha mula sa tanggapan ng American Chat Link Inc., ang 155 piraso ng mga computer sets , 12 internet hubs, internet servers at iba pang mga dokumento na ginagamit sa kanilang illegal na aktibidad. (Grace Amargo)