Dalawa katao ang nasawi matapos makulong sa apoy, habang dalawa naman ang nasugatan sa naganap na sunog sa isang pagawaan ng puto, kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila. Nagawa pang mailigtas ng biktimang si Dodo Cayoca, 39, puto vendor at residente ng 294 Sandico St.,Tondo, Manila ang kanyang kapatid na si Joctan Cayoca, 20 at ilang kasamahan pero hindi na ito nakalabas pa ng bumalik sa loob ng bahay.
Patay din sa sunog si Victor Liwanag, 26, puto vendor at nangungupahan sa nasunog na bahay sa Sandico St. Habang dinala naman sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Alex Mallari, 34; na nagtamo din ng sugat at paso sa katawan.
Nabatid sa imbestigasyon, ang sunog ay naganap dakong alas-6:04 ng umaga sa pagawaan ng puto sa tinutuluyang bahay ng biktimang si Liwanag na pag-aari naman ni Ricky Bautista. Ang nabanggit na sunog ay umabot sa ikalimang alarma at idineklarang fireout dakong alas 6:27 ng umaga.
Bago naganap ang sunog, sinasabing nakarinig muna ng isang malakas na pagsabog sa bahay ni Liwanag na pinaggagawaan ng puto at pagkatapos nito ay mabilis ng kumalat ang apoy dahil yari sa light materials ang bahay. Malaki umano ang posibilidad na nagmula sa sumabog na liquefied petroleum gas (LPG) ang narinig ng mga residente dito. Tinatayang may P.4 milyon ang napinsalang ari-arian habang patuloy pa rin nagsasagawa ng imbestigasyon ang Arson Division. (Grace dela Cruz)