‘Heal the Nation’ isinulong ng medical practitioners

Sa gitna ng walkout sa kanilang court hearing nina Sen. Antonio Trillanes, Army Brigadier Danilo Lim at mga sundalong kinasu­han sa 2003 coup plot, isang pambansang organi­sas­yon ng mga medical practitioner ang humihiling kay Pangulong Arroyo na magsagawa ng isang kasunduan ng pagpapa­galing na makakapagbigay lunas sa problema ng pag­kakabaha-bahagi at desta­bilisasyon sa bansa.

Ang solid block ng Philippine Medical Association,  Solid Block of Cavite at Philippine Academy of Medical Specialists ay nananawagan sa mama­mayan na magkaroon ng matahimik at mahinahong pananaw laban sa anu­mang marahas na pana­nakop na labag sa Sali­gang Batas at makakalikha pa ng mas malalang mga problema.

Sa pagsulong ng orga­nisasyon sa kanilang prog­ramang “Heal the Nation,” sinabi na ang kasa­lukuyag kalagayan ng bansa ay “may sakit” at ito’y mag­papatuloy na lumala araw-araw kapag walang gina­wang kaukulang aksyon para ito’y malunasan.

“Ang kalagayan ng kalusugan na aming tinu­tukoy ay hindi maaaring lunasan ng pangkarani­wang preskripsiyon na aming ibinibigay sa aming mga pasyente at walang sinuman sa amin ang may pormal na kakayahan para maisagawa ang nararapat na ‘operasyon’ na kaila­ngan ng bansa,” wika ni Heal the Nation spokesman Dr. Ismael Mercado.

Idiniin ni Mercado na ang medical training ay hindi maaaring gamitin para ibalik ang kaunlaran sa bansa kaya kinaka­ilangang kumilos ang sam­bayanan para maha­rap ang problema.

Sa kanilang programa ng pagpapagaling, sisimu­lan ngayong araw ng PMA, SBC at PAMS ang isang “alay-lakad” na tinaguriang “Heal the Nation” na kung saan ang mga miyembro ng tatlong asosasyon at iba pang mga grupo ay magla­lakad hanggang sa Plaza Raja Sulayman para mag­tapos sa isang medical at dental mission para sa publiko.

Hiniling sa publiko ng mga proponet ng ‘Heal the Nation’ na suportahan ang kanilang inisyatibo na pag-isahin ang sambayanan at sama-samang harapin ang maraming problemang kinakaharap nito.

Show comments