‘Heal the Nation’ isinulong ng medical practitioners
Sa gitna ng walkout sa kanilang court hearing nina Sen. Antonio Trillanes, Army Brigadier Danilo Lim at mga sundalong kinasuhan sa 2003 coup plot, isang pambansang organisasyon ng mga medical practitioner ang humihiling kay Pangulong Arroyo na magsagawa ng isang kasunduan ng pagpapagaling na makakapagbigay lunas sa problema ng pagkakabaha-bahagi at destabilisasyon sa bansa.
Ang solid block ng Philippine Medical Association, Solid Block of Cavite at Philippine Academy of Medical Specialists ay nananawagan sa mamamayan na magkaroon ng matahimik at mahinahong pananaw laban sa anumang marahas na pananakop na labag sa Saligang Batas at makakalikha pa ng mas malalang mga problema.
Sa pagsulong ng organisasyon sa kanilang programang “Heal the Nation,” sinabi na ang kasalukuyag kalagayan ng bansa ay “may sakit” at ito’y magpapatuloy na lumala araw-araw kapag walang ginawang kaukulang aksyon para ito’y malunasan.
“Ang kalagayan ng kalusugan na aming tinutukoy ay hindi maaaring lunasan ng pangkaraniwang preskripsiyon na aming ibinibigay sa aming mga pasyente at walang sinuman sa amin ang may pormal na kakayahan para maisagawa ang nararapat na ‘operasyon’ na kailangan ng bansa,” wika ni Heal the Nation spokesman Dr. Ismael Mercado.
Idiniin ni Mercado na ang medical training ay hindi maaaring gamitin para ibalik ang kaunlaran sa bansa kaya kinakailangang kumilos ang sambayanan para maharap ang problema.
Sa kanilang programa ng pagpapagaling, sisimulan ngayong araw ng PMA, SBC at PAMS ang isang “alay-lakad” na tinaguriang “Heal the Nation” na kung saan ang mga miyembro ng tatlong asosasyon at iba pang mga grupo ay maglalakad hanggang sa Plaza Raja Sulayman para magtapos sa isang medical at dental mission para sa publiko.
Hiniling sa publiko ng mga proponet ng ‘Heal the Nation’ na suportahan ang kanilang inisyatibo na pag-isahin ang sambayanan at sama-samang harapin ang maraming problemang kinakaharap nito.
- Latest
- Trending