Nauwi sa rambol ang paggimik ng grupo ng dalawang lalaki na nagpapakilalang parehong anak ng alkalde ng kanilang lalawigan matapos na magkainitan kahapon ng madaling araw sa loob ng isang bar sa Quezon City.
Kapwa magsasampa ng kontra-demanda sina Ferdinand Longid, 24, at ni Batangas Councilor Emmanuel Salvador Fronda II matapos na bumagsak sila sa QCPD-Station 10 (Kamuning).
Sa inisyal na ulat, nagpakilala si Longid na anak ni Cabarroguis, Quirino Mayor Richard Longid habang bukod sa pagiging konsehal, anak rin si Fronda ng alkalde ng Balayan, Batangas.
Nganap ang gulo dakong alas-4 ng madaling araw sa loob ng Pier 1 bar sa kahabaan ng Tomas Morato street, Quezon City. Ayon kay Longid, kasama niyang gumimik ang tiyuhin at ilang kaibigan nang mag-umpisa umano silang lusubin ng isang grupo ng lalaki na kinabibilangan ni Fronda. Nang maawat siya ay umupo na lamang siya sa isang tabi ngunit pinukpok pa siya ng bote sa mukha.
Itinanggi naman ni Fronda ang akusasyon at sinabing sila umano ang ginulo ng grupo ni Longid. Umawat lamang umano siya sa kanyang mga kasamahan ngunit napukpok rin ng bote sa ulo.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng QCPD kung saan dinala ang magkabilang grupo sa istasyon.
Mas mabigat na problema naman ang kakaharapin ni Fronda matapos na mamataan ang isang Mitsubishi Gallant na may pulang plaka na SPO-637 na gamit umano nito sa kanyang paggimik. Itinatadhana sa batas na ipinagbabawal ang paggamit ng sasakyan ng pamahalaan sa personal na gamit ng mga pulitiko o empleyado ng gobyerno sa personal nilang lakad lalo na kung gigimik lamang o magliliwaliw. (Danilo Garcia)