7 dormitoryo sa Maynila isinara
Pitong dormitoryo sa Maynila ang tuluyan nang ipinasara ng city government matapos na hindi sumunod sa kanilang regulasyon sa kabila ng panawagan at abiso upang mapanatili ang kaligtasan ng mga ito.
Isinara ang mga dormitoryo na pagmamay-ari ni Gigi de Guzman, ng 832 S.H. Loyola St.; Ernesto Innarientos, 1200 S.H. Loyola St.; Eduardo del Rosario ng 836 B.F. Cayco St.; Luna Villa , 837 M.F. Jhocson St.; Carmelita Siongco at Jesusa Lopez ng #850 Jhocson St.; at Andrea Fajardo ng 533 Dimasalang St., na pawang nasa Sampaloc, Maynila.
Isang dormitoryo din sa sa Sta. Cruz na umano’y pag-aari ni Amanda Cruz na matatagpuan sa 872 Rizal Avenue ang ipinasara din ng city government.
Ayon kay City Administrator Jay Marzan, matagal na nilang nabigyan ng notice of closure ang mga nasabing may-ari ng mga dormitoryo sa Sampaloc at Sta. Cruz sa Maynila.
Iginiit ni Marzan na ito ang isa mga paraan upang mabigyan ng sapat na proteksiyon ang mga estudyante na nangungupahan sa mga dormitoryo partikular na sa university belt area.
Sinabi ni Marzan na ang mga dormitoryo ay paulit-ulit na lamang na lumalabag sa batas at hindi sumusunod sa kanilang mga regulasyon. Ilan dito ang pag-o-operate ng walang lisensiya, at walang proper ventilation.
Kadalasan na lamang umanong ginagawa ng mga may-ari ng dormitoryo na pinagsisiksik ang mga estudyante bagamat hindi na sapat ang kanilang lugar. (Doris Franche)
- Latest
- Trending