76 dinampot sa saturation

May 76 katao ang dinakip ng mga kagawad ng Manila Police District makaraang suyurin ang Golden Mosque kahapon ng umaga sa Carlos Palanca st., Quiapo, Maynila. Ayon kay MPD-Station 3 Commander Supt. Romulo Sapitula, isinagawa ang saturation drive sa paligid ng mosque matapos na makatanggap ng report na pugad umano ito ng mga pushers at gunrunners. 

Sa pagsisiyasat sa record ng mga dinakip na kala­lakihan, lima dito ang umano’y  mayroon nang kasong kriminal. Nakilala ang mga suspek na sina Masrudin Ali,42, binata; Nablada Abdul Azis, 26; Motalib Pascan, 33; Ato Mamadia at Alonto Kusain pawang mga vendor.

Kakasuhan sila ng paglabag sa Presidential Order 4638 o Anti-Vagrancy law kung saan mayroong mga naka­binbin na warrant of arrest sa mga ito sa iba pang kaso. Pinauwi naman ng pulisya ang iba pa dahil sa napa­tunayang walang nilabag na batas. (Grace dela Cruz)

Show comments