Pinaniniwalaang nasawi na sa pagkalunod ang isang 13-anyos na bi natilyo makaraang tangayin ito ng malakas na agos ng ilog matapos na iligtas ang kanyang nakakabatang kapatid mula sa pagkalunod kamakalawa sa Pasig City.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang ginagawang search and retrieval operation ng Pasig rescue team sa pagkakahanap sa bangkay ng biktimang si Ryan Nayre, 13, residente ng Jobson st. Floodway Brgy. Rosario ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-4 ng hapon kamakalawa habang naglalaro ang biktima kasama ang kanyang nakababatang kapatid na si Ronquillo, 8, at ilang kaibigan sa gilid ng ilog sakop ng barangay Manggahan.
Nabatid na nadulas si Ronquillo at nagtuluy-tuloy sa ilog at kahit hindi marunong lumangoy ay hindi nag-aksaya ng panahon ang biktima at mabilis na tumalon ng ilog na tinatayang may lalim na 15 talampakan at sinagip ang nahulog na kapatid.
Nagawa namang mailigtas ng biktima ang kanyang kapatid subalit ng inaahon na niya ito sa gilid ng ilog ay biglang lumakas ang agos at tinangay ito patungo sa parting gitnang bahagi ng ilog. (Edwin Balasa)