Patay ang isang lady accountant nang pagbabarilin ito ng dalawang holdaper matapos na manlaban ang una sa mga huli, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nakilala ang nasawing biktima na si Magdalene Perez, 41, at residente ng 2505 M. dela Cruz, St., ng nabanggit na lungsod.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-10:55 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa Lions Road, Pasay City.
Nauna rito, nagtungo ang biktima sa Pasay City Hall upang magbayad ng business permit sa Treasurer’s Office.
Makaraan ang pagbabayad ay nagpahatid umano ang biktima sa isang tricycle driver na si Roberto Aban, 33, ng 188 Figuerora St., Pasay City pauwi ng kanilang bahay sa M. dela Cruz.
Habang tinatahak umano ng mga ito ang kahabaan ng Lion’s Road ay sinundan sila ng dalawang hindi nakikilalang mga suspect na sakay ng isang motorsiklo at agad na hinarang ang kanilang daraanan.
Agad na bumaba umano ang isa sa mga suspect at pilit na kinukuha ang bag ng biktima na naglalaman ng P18,000 tseke at mahahalagang dokumento.
Nanlaban umano ang biktima sa suspect dahilan upang agad itong barilin ng huli. Tinamaan naman ang biktima sa pisngi na naglagos sa baba at kanang tagiliran nito na naging sanhi ng kanyang kamatayan. (Rose Tamayo)