Yanquiling sinibak sa puwesto
Sinibak sa puwesto si MPD Homicide Division chief, Chief/Insp. Alejandro Yanquiling kaugnay sa insidente ng pagpatay kay Commission on Election (COMELEC) Law Department Head Atty. Alioden Dalaig.
Sa panayam kay Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) chief, Supt. Nelson Yabut, sinibak ni MPD District Director Chief /Supt. Roberto Rosales si Yanquiling at si SPO4 Benito Cabatbat dahil sa umano’y reklamo ng ilang kaanak ni Dalaig sa mga ito.
Sinabi ni Yabut na naghain ng reklamo ang nabanggit na kaanak ni Dalaig matapos na palitan umano ng mga naturang opisyal ng homicide division ang mga alahas na narekober ng mga ito mula sa katawan ni Dalaig.
Pansamantala naman na papalitan ni Major Dominador Are valo Jr., si Yanquiling bilang officer-in-charge ng nasabing dibisyon.
Nabatid na noong November 16, ay nagtungo umano ang mga nagpakilalang kaanak ni Dalaig sa Homicide upang kunin ang mga relo, singsing, bracelet at pera na nakuha dito.
Ngunit ng bilangin umano ang pera ay P293,000 na lamang ito mula sa P300,000 halaga na narekober mula kay Dalaig, kung saan maging ang mga nasabing alahas ay hindi umano mga tunay na alahas ng naturang opisyal ng Comelec.
Ikinatuwiran naman ni Yanquiling na kulang na ng P7,000 ang perang ibinigay sa kanila ng Ospital ng Maynila kung kaya’t P293,000 na lamang ang naibigay nila sa pamilya ni Dalaig.
Ipinaliwanag naman ni Yabut na kailangan umanong sibakin muna sa puwesto sina Yanquiling at Cabatbat habang isinasagawa ang imbestigasyon. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending