Pagpatay kay Dalaig work-related

Inihayag kahapon ng isang mataas na opisyal ng Com­mission on Elections (Comelec) na may bagong ebiden­syang nakalap ang pulisya na inaasahang makapagpapabilis sa pagresolba sa kaso ng pagpaslang kay Comelec Law Deparment Director Atty. Alioden Dalaig.

Ayon kay Comelec Commissioner Florentino Tuason, ipina­batid sa kanila ng Manila Police District (MPD) ang nasabing development na inaasahang makapagsasara na sa kaso.

Nakipagpulong aniya sila sa mga opisyal ng MPD na humahawak ng kaso ng pagpatay kay Dalaig, at sinabing may nakalap silang bagong ebidensya.

Gayunman, pansamantalang tumanggi si Tuason na ihayag kung ano ang mga nasabing ebidensya subalit tiniyak nito na isa itong “positive developments” sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Pero base aniya sa itinatakbo ng imbestigasyon, lumilitaw na may kinalaman sa trabaho ni Dalaig bilang hepe ng law department ng Comelec ang pananambang dito.  

Maliban dito, intact naman ang lahat ng gamit ni Dalaig kasama na ang salapi nito nang siya ay tambangan kaya mahirap sabihing holdap ang naganap. 

Ayon kay Tuason, nakatakda ring magsumite ang Comelec sa National Bureau of Investigation (NBI) ng listahan ng mga kasong hawak ni Dalaig.

Hinihikayat naman ni Tuason ang mga Senior Officials ng Comelec na kumuha ng security kung sa tingin nila ay nasa panganib ang kanilang buhay. 

Maari naman aniyang mag-request ng security ang mga ito mula sa Philippine National Police (PNP) na ayon kay Tuason ay tiyak namang pagbibigyan. (Mer Layson)

Show comments