Mrs. Dulce Saguisag inilibing na

Inihatid na sa kanyang huling hantungan   si dating Social Welfare Secretary Dulce Quintana-Saguisag sa Manila Memorial Park sa Parañaque City maka­raan ang malagim na aksi­denteng kumitil sa kanyang buhay at malubhang sumu­gat sa kanyang asawang si dating Senador Rene Saguisag at driver kama­kailan sa Makati City.

Bago ilibing ay nag­daos muna ng necrological service at  misa sa St. Scho­­lastica’s College Chapel sa Maynila na di­naluhan nina dating Pa­ngulong Corazon Aquino, Joseph Estrada, vice pre­sident Noli De Castro,  mga kaanak, kaibigan at ka­klase ng nasawi.

Dumalo rin sa isinaga­wang misa si San Juan Mayor JV Ejercito at ang taksi driver na si Jeofrey Olmaguez na tumatayong saksi sa kasong isinampa laban sa driver ng dump truck na nakabangga sa van na sinasakyan ng mag-asawang Saguisag.

Naging madamdamin sa ginanap na necrological service ang pahayag ng panganay na anak ng mag-asawa na si Atty. Rebo Sa­guisag kung saan inila­rawan niya ang pagma­mahal na iniukol sa kanila ng ina at ang paniniwala na posibleng tinubos ng kan­yang ina ang buhay ng kanyang ama

Nabigo naman si Atty. Rene Saguisag na ma­ihatid sa libingan ang kan­yang asawa matapos na hindi siya payagan ng mga doktor sa Makati Medical Center (MMC) bunga ng pananatilli niya sa Intensive Care Unit (ICU) matapos dumaing na pananakit ng dibdib na dulot ng pagka­bali ng ilang buto sa tad­yang. Dahil dito’y buong-buo na kinuhanan ng video ang paghahatid sa huling han­tungan sa dating kalihim upang mapanood man lamang ito ng kan­yang asawa.

Magugunita na naka­takda na ang kasal ng ba­tang Saguisag sa kanyang kasintahang si Atty. Jackie Crisolo sa Disyembre 22 nang maganap ang ma­lagim na trahedya. (Lor­deth Bonilla)

Show comments