Mrs. Dulce Saguisag inilibing na
Inihatid na sa kanyang huling hantungan si dating Social Welfare Secretary Dulce Quintana-Saguisag sa Manila Memorial Park sa Parañaque City makaraan ang malagim na aksidenteng kumitil sa kanyang buhay at malubhang sumugat sa kanyang asawang si dating Senador Rene Saguisag at driver kamakailan sa Makati City.
Bago ilibing ay nagdaos muna ng necrological service at misa sa St. Scholastica’s College Chapel sa Maynila na dinaluhan nina dating Pangulong Corazon Aquino, Joseph Estrada, vice president Noli De Castro, mga kaanak, kaibigan at kaklase ng nasawi.
Dumalo rin sa isinagawang misa si San Juan Mayor JV Ejercito at ang taksi driver na si Jeofrey Olmaguez na tumatayong saksi sa kasong isinampa laban sa driver ng dump truck na nakabangga sa van na sinasakyan ng mag-asawang Saguisag.
Naging madamdamin sa ginanap na necrological service ang pahayag ng panganay na anak ng mag-asawa na si Atty. Rebo Saguisag kung saan inilarawan niya ang pagmamahal na iniukol sa kanila ng ina at ang paniniwala na posibleng tinubos ng kanyang ina ang buhay ng kanyang ama
Nabigo naman si Atty. Rene Saguisag na maihatid sa libingan ang kanyang asawa matapos na hindi siya payagan ng mga doktor sa Makati Medical Center (MMC) bunga ng pananatilli niya sa Intensive Care Unit (ICU) matapos dumaing na pananakit ng dibdib na dulot ng pagkabali ng ilang buto sa tadyang. Dahil dito’y buong-buo na kinuhanan ng video ang paghahatid sa huling hantungan sa dating kalihim upang mapanood man lamang ito ng kanyang asawa.
Magugunita na nakatakda na ang kasal ng batang Saguisag sa kanyang kasintahang si Atty. Jackie Crisolo sa Disyembre 22 nang maganap ang malagim na trahedya. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending