Nagpalabas na ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) ng cartographic sketch ng umano’y suspek na pumaslang kay Commission on Election (Comelec) Law Department head Atty. Alioden Dalaig.
Sa naturang sketch, inilarawan ang suspek na nasa edad na 39-41 anyos, may taas na 5’5’’–5’6’’, maitim, nakasuot ng fatigue pants at itim na jacket.
Pinag-aaralan naman ng MPD ang inilarawan na suspek sa mga hawak nitong larawan ng mga markadong hired-killer.
Sa ngayon ay mayroon nang nakuhang mga witness ang MPD-Homicide division na makakakilala sa suspek sa oras na madakip ito.
Magugunita na tinambangan si Dalaig ng hindi pa kilalang suspek noong nakaraang Sabado, Nobyembre 10, habang ito ay naglalakad patungo sa Hyatt Hotel. Wala pa ring linaw sa pulisya kung ano ang motibo sa naganap na krimen. (Grace dela Cruz)