Isang binata na nakatakdang magselebra ng kanyang kaarawan ngayong araw na ito ang nasawi matapos na mabaril ng isang barangay tanod kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Patay na nang idating sa pagamutan ang biktimang si Uldarico Ariap, 24, ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong isang tama ng bala sa noo.
Nakakulong naman at nahaharap sa kasong murder ang itinuturong bumaril at nakapatay sa biktima na si Gideon Bautista, 47, tanod at residente ng Block 26, Lot 10, Phase 3F1, Dagat-Dagatan.
Ayon sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling-araw kahapon nang maganap ang insidente sa gate ng bahay ng biktima sa naturang lugar.
Nabatid, naglalakad pauwi ang biktima matapos na makipag-inuman sa ilang kapitbahay at nang papasok na ito sa gate ng kanyang bahay ay biglang sumulpot ang suspek mula sa isang madilim na bahagi hawak ang di-batid na kalibre ng baril.
Sinabihan umano ng suspect ang nasawi na huwag tumakbo subalit nagpatuloy pa rin ang biktima sa pagpasok sa bahay hanggang bigla na lamang umalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril.
Dito duguang nalugmok sa lupa si Ariap na nagtamo ng tama sa noo bago mabilis namang tumakas si Bautista dala ang ginamit na baril.
Ayon sa ilang kapitbahay ng biktima, ilang araw bago umano maganap ang pamamaril ay nakasagutan ni Ariap si Bautista sa hindi malamang kadahilanan hanggang sa maganap na ang nasabing insidente.
Ilang oras matapos maganap ang pagpatay ay kaagad namang naaresto si Bautista sa loob ng barangay hall sa kanilang lugar subalit ang baril na ginamit ng suspek ay hindi na narekober.