Siga inutas habang natutulog
Tinapos ng isang lalaki ang pagdurusa nito sa kamay ng isang 40-anyos na siga matapos niyang tadtarin ng saksak ang huli habang mahimbing na natutulog sa loob ng kanyang kuwarto sa Caloocan City kamakalawa.
Dead-on-arrival sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si Wilfredo Panganiban, walang trabaho at residente sa 1917 San Antonio St., Area B, Barangay 174, Camarin sa lungsod.
Nakilala naman ang suspek na si Alex Lopez ng Samapatos St., Area D, Brgy 176, Camarin sa nasabi ring lugar na mabilis na tumakas. Sa ulat ni SPO1 Wilson Reyes, alas-10:30 ng gabi sa loob mismo ng kwarto ng biktima habang ito ay mahimbing na natutulog ng bigla na lamang sumulpot sa kwarto ang suspek at pinagsasaksak ang biktima.
Ayon kay Reyes, siga-siga umano ang biktima sa nasabing lugar at madalas na ginagawang laruan nito ang suspek na madalas pinagti-tripang insultuhin at batok-batukan. Dahil sa madalas na naiinsulto ay nagtanim na umano ito ng galit at ginawa ang nasabing krimen.
“Astigin kasi ’yung biktima lalo na kapag lasing, kaya ’yung suspek dahil hindi naman niya kaya ’yung biktima kapag gising, sinamantala na natutulog ito, para walang kalaban-laban,”sabi pa ni Reyes.
Tinangka pang isugod sa ospital ang biktima ngunit idineklara din itong patay. Patuloy naman ang pagtugis ng awtoridad laban sa suspek. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending