Sunog dahil sa kandila, 25 pamilya nawalan ng tirahan
Umaabot sa 25 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang matupok ng apoy ang kanilang lugar dahil sa umano’y napabayaang kandila, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Ayon kay Chief Inspector Antonio Razal, hepe ng Bureau of Fire Department ng Marikina City, natupok ng apoy ang mga kabahayan na karaniwang yari sa kahoy sa Blk.74 at 75 Ver gara Compound, Brgy. Tumana ng lungsod na ito.
Nagsimula ang sunog dakong alas-7:30 ng gabi sa ikalawang palapag ng bahay ng isang Boy Calilap.
Nabatid sa saksing si Jimmy Saquez na laking gulat nila ng makita na malaki na ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay ni Calilap.
Dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy sa mga kalapit-bahay ay natagalan ang mga bumbero na masawata ito bago idineklarang fire under control dakong alas-10:25 ng gabi at umabot sa ikatlong alarma.
Nagkaroon ng bahagyang tension matapos akalain ng mga kapitbahay na naiwan sa loob ng nasusunog na bahay ang dalawang anak na maliit na siyang natirang tao doon dahil wala ang mag-asawang Calilap ng maganap ang sunog.
Subalit makalipas ang may isang oras ay isang nagmalasakit na kapitbahay pala ang nagligtas sa dalawang bata bago pa man lumaki ang apoy sa kanilang bahay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire, posibleng ang sanhi ng sunog ay ang naiwanang kandila sa itaas ng bahay na posibleng natumba. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending