Bill sa motel ’di nabayaran, buntis kalaboso
Kalaboso ang apat na buwang buntis na ginang nang mabigong bayaran ang mahigit P2,000 halaga ng bill sa isang kilalang motel na kanyang pinasukan kamakalawa ng madaling araw sa Pasay City .
Kahapon lamang ng umaga natuklasan ng pamunuan ng isang sangay ng Victoria Court sa # 2 Cuneta St., Pasay na wala pala kahit isang kusing sa bulsa si Sharon Sagner, 27, ng Don Bosco, Makati matapos siyang katukin ng roomboy at ipaalala na tapos na ang 24-oras na kanyang pananatili at dapat na niyang bayaran ang kanyang nakonsumo.
Ayon kay Chief Insp. Reynaldo Paculan, hepe ng Criminal Investigation Division (CID) ng Pasay police, nag-check-in si Sagner sa naturang motel dakong alas-5 ng madaling-araw at sinabing hihintayin niya sa uupahang silid ang kanyang kasama na aniya’y susunod na sa kanya.
Dahil maayos ang pananamit at mukhang kagalang-galang sa suot na maternity dress, bukod pa sa maganda at kaakit-akit pa ang pigura, hindi nagdalawang-isip ang roomboy na si Eduardo Castillo na payagang makapag-check-in ang ginang kahit walang kasama na hindi talaga dapat pinahihintulutan ng pamunuan ng nabanggit na motel.
Gayunman, lumipas ang magdamag ay hindi dumating ang sinasabing kasama ni Sagner sa uupahang silid kaya dakong alas-5 ng umaga kahapon ay kinatok siya ng roomboy na si Jerome Peter Molina, 26, upang singilin ng halagang P2,470 na kanyang nakonsumo, kabilang ang inorder na pagkain.
Nang walang maibayad ang ginang, napilitang tumawag sa pulisya ang pamunuan ng naturang motel at ipinadakip si Sagner. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending