Full alert pa rin sa MM!
Nakataas pa rin at mananatili ang seguridad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga bus terminals sa Metro Manila dahil sa inaasahang pagbabalik ng mga bakasyunista na nagtungo sa kanilang mga lalawigan.
Sinabi ni NCRPO chief, Director Geary Barias na mananatili pa rin ang kanilang puwersa hanggang ngayong Sabado sa mga bus terminals upang magbantay pa rin sa posibleng pagsalakay ng mga terorista o iba pang kalaban ng pamahalaan na maaaring magsamantala.
Ipinagmalaki naman nito ang pagbaba ng naganap na krimen nitong Araw ng mga Santo kung saan nakapagtala lamang ang NCRPO ng 11 krimen sa buong Kamaynilaan. Malaki umano ang ibinaba nito kumpara sa 63 krimen na naitala noong nakaraang taon.
Sa kanilang talaan, tanging malaki lamang umano sa naganap na krimen ang pananaksak sa sementeryo sa Pateros, akyat-bahay sa Las Piñas City, at ilang maliliit na krimen tulad ng pagkakahuli sa pagdadala ng baril.
Hindi naman kasama sa talaan ng NCRPO ang mga naiulat sa mga pahayagan na krimen tulad ng dalawang sepulturero na nagsuntukan sa Manila North Cemetery, isang lalaki na pinagbabaril ng 5 lalaki sa Pasig City at isang lalaki na tinodas naman ng 2 suspek na nakamotorsiklo sa Novaliches, Quezon City.
Sinabi ni Barias na ang pagbaba ng krimen sa mga sementeryo ay dahil sa pagtatalaga ng 5,000 tauhan ng pulisya at pagtulong ng iba pang ahensya ng pamahalaan at ang maagang pagpapaalala sa publiko ng mga ipinagbabawal na dalhin sa mga sementeryo.
Ang seguridad na ipinatupad naman ngayong Undas ay siya ring ipapatupad naman ng NCRPO at buong PNP sa bansa sa selebrasyon naman ng Pasko at Bagong Taon ngayong Disyembre.
- Latest
- Trending