110 guro ‘hinostage’ sa paaralan

Nagmistulang  ‘hostage’ mula kamakalawa ng gabi ang nasa 110 guro ng isang pam­publikong paaralan sa Que­zon City ng ilang mga kandi­dato at supporters matapos na pigilan ang mga ito na maka­uwi dahil sa alingasngas ng dayaan.

Nabatid na ihahatid na sana ng mga guro ng Bagong Pag-asa Elementary School sa Brgy. Bagong Pag-asa ang mga ballot boxes sa Quezon City Hall matapos na bilangin nang harangin sila ng mga poll watchers at ilang kandidato at akusahan sila na minamani­obra ang eleksyon.

Ayon kay Salvador del Mundo, kandidato sa pagka-Kagawad, nagulat sila nang bigla na lamang magtangkang umalis ng mga guro sa kabila na hindi pa umano naisasa­pinal ang pagbibilang. May mga nabalitaan din umano sila na nakitaan ang ilang mga guro na may bungkos ng pera.

 Iginiit naman ng isa sa mga guro na si Elma Sabugo na tapos na ang kanilang pag­bibilang kung saan naka-sel­yado na ang mga ballot boxes at kailangan nilang dalhin na lamang sa munisipyo.

Inireklamo ng mga ito ang matinding pagod na nadag­dagan pa ng tensyon dahil sa ginawang harassment  sa kanila ng mga poll watcher at mga kandidato.

Inamin naman ni Pag-asa Elem. School principal Joseph Acio na siya na ang nag-utos sa mga guro na manatili na lamang sa paaralan hanggang hindi naaayos ang gulo.

Natapos lamang ang gulo at mahigit sa 10 oras na pag­ka­kakulong sa paaralan ng mga guro dakong alas-9 ka­hapon nang umaga nang tuluyang maliwanagan na ang mga nagbabantay at maka­labas na ang mga guro.

Umiral naman ang tensyon dakong alas-3 ng madaling araw sa Bagong Pag-asa Ele­mentary School nang muntik nang magsuntukan si Brgy. Chairman Penny Bilaos at abogadong si Ryan Quilala nang magtalo dahil sa pagpa­patigil ng bilangan ng huli.

Nag-umpisa ang banga­yan nang ipatigil ang bilangan ni Quilala, abogado ng ka­labang partido ni Bilaos, dahil sa mga paglabag tulad ng walang itinalaga na secretary, hindi pagkuha ng minutes of proceeding  at hindi ipinapa­kita sa mga watcher ang election returns bago bilangin. 

Dito na sumugod si Bilaos dahil sa bagal ng bilangan na nauwi sa muntik nang pagsu­suntukan ng dalawa.  Natigil lamang ito nang rumesponde ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at pinalabas na lamang ang dalawa habang mga watcher na lamang ang pinanatili sa loob ng canvassing area.

Show comments