Isang 28-anyos na lalaki ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang lalaking lulan sa isang motorsiklo kamakalawa ng hapon sa nabanggit na lungsod.
Nakilala ang nasawi na si Cris Rolly Villanueva, ng Block 14 Lot 10 Empress I Subdivision, Marikina City.
Hindi naman nakilala ang dalawang suspek na pawang mga armado ng baril, nakasuot ng itim na jacket, bull caps, at nakasalamin.
Sa ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang insidente dakong alas-3 kamakalawa ng hapon sa panulukan ng Pres. Quirino Highway at Tandang Sora Extension sa Brgy. Talipapa, ng naturang lungsod.
Nabatid na kabababa lamang ng biktima sa kanyang Suzuki na motorsiklo (DW-9854) nang huminto sa harapan nito ang dalawang suspek sakay naman ng isang itim na motorsiklo.
Agad na pinaulanan ng bala ng mga suspek ang biktima at tumakas matapos na matiyak na wala nang buhay si Villanueva.
Bigo naman ang pulisya na agad na makapagtayo ng checkpoints upang madakip ang mga suspek. Kasalukuyan naman na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang mabatid ang motibo ng naturang krimen. (Danilo Garcia)