Handang magbigay ng pabuya ang mga residente sa sinumang may impormasyon kaugnay sa pagpatay sa isang paslit na natagpuan sa basurahan noong Huwebes ng umaga sa Tondo, Maynila.
Sinabi ni Det. Jonathan Bautista, ng Manila Police District (MPD)-homicide section, nagkaisa ang ilang residente ng Brgy. 118 Zone 16 District 1 na magkaloob ng P5,000 pabuya sa sinumang makakapagtuturo sa salarin na pumatay sa hindi pa nakikilalang paslit na natagpuang tadtad ng saksak dakong 6:10 ng umaga sa kumpol ng basurahan sa harapan ng isang bahay sa 541 Road 2 Manotoc subd., Gagalangin, Tondo.
Sinabi pa ni Bautista na bagama’t maliit ang halaga ng pabuya, ito ay bilang pagmamalasakit ng mga residente sa sinapit ng paslit para sa ikalulutas ng kaso at makasuhan ang taong gumawa ng karumal-dumal na krimen.
Ayon pa kay Bautista, nakipag-ugnayan na rin umano sa pulisya ang mga opisyal ng iba’t-ibang barangay at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para malutas ang kaso.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa ilang opisyal ng mga asosasyon ng tricycle at pedicab sa iba’t ibang barangay dahil sa hinalang isinakay ang paslit sa isang pedicab bago ito itinapon sa naturang basurahan.
Matatandaan na isang Lito Catupay, residente sa naturang lugar ang nakapuna sa katawan ng bata na tinatayang 2 anyos, semi-kalbo ang gupit ng buhok at walang salawal na nakahandusay sa kumpol ng mga basurahan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, tadtad ng pasa ang katawan ng biktima na hinihinalang minaltrato na nagresulta sa kanyang kamatayan.