Isang pulis-Maynila ang sinampahan ng kasong homicide makaraang mabaril at mapatay nito ang isang 17 anyos na estudyante noong Linggo ng madaling-araw sa Tondo, Maynila. Kinilala ang suspect na parak na si PO1 Gabriel Mandap, 24, binata, nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-District Mobile Group (DMG) at residente ng 1770 Antonio Rivera St., Tondo. Kahapon ng umaga nang ideklarang patay ng mga doktor sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Marlon Melendrez, ng 1323 Quiricada St., Tondo.
Ayon sa ulat, dakong alas-3 ng madaling-araw noong Linggo nang naganap ang insidente sa kanto ng Antonio Rivera at Tayuman Sts., Tondo.
Nauna rito, ayon sa isang Rex Tan, sinampal umano ng isang Luther Mamangon, 24, tricycle driver, ng 1323 Quiricada St., Tondo ang pamangkin nitong si Rizza sa isang inuman sa naturang lugar kabilang dito ang biktima. Sinita umano ni Tan si Mamangon dahilan upang magsuntukan ang dalawa hanggang sa isang putok ang narinig sa naturang lugar.
Dumating umano si Mandap at sinita si Melendrez hanggang sa nagbunot ito ng baril at barilin ang huli. Isinugod sa ospital ang huli at matapos ang dalawang araw na pakikipaglaban kay kamatayan ay nalagutan din ito ng hininga.
Taliwas naman ito sa salaysay ni Mandap na bago naganap ang insidente ay rumesponde umano si Brgy. ß∂ Chairman Arlene Tan ng Brgy 232 Zone 22 District II dahilan sa reklamo ng ilang residente dahil sa panggugulo at pagpapaputok ng baril ng mga kabataan kabilang ang biktima at si Mamangon. (Doris Franche)